"Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya." - II Timoteo 4:7Gaya ng mga nagmamahal sa iyo, hindi ko pa rin lubos-maisip na wala ka na - na hindi na tayo magkikitang muli sa buhay na ito kasabay ng pagpikit ng iyong mga mata patungo sa paglalakbay na walang balikan.
Hindi mo ako nakilala nang una mo akong makita sa bahay ni Lola halos tatlong taon na ang nakararaan. At nang lumapit ako sa iyo, pagkaraan ng halos 22 taon, pinagsabihan mo ako na kahit matanda na ako ay dapat pa rin akong magmano sa iyo, na siya kong ginawa.
Noong bata pa ako, ikaw, kasabwat ang ilan kong mga pilyong tiyuhin, ay halos paiyakin ako sa inyong panunukso sa aking pagiging "ala eh" sa lugar ng mga Ilokano, Bisaya, T'boli at Muslim. Ganito pa nga mga dayalog nyo:
Uncle M:
"Ala eh, anong ulam natin ineng?" Uncle F:
"Ala eh, kalabasang may gata eh". O kaya naman ay
"Bakit ganyan ang kanin, ineng; malata eh." Nangingiti na lang ako kapag naalala ko ito ngayon.
May sarili nang pamilya ang iyong panganay na si
S, na aking inaawitan pa noon ng
"Didto sa Layong Bukid" sa kanyang kuna para makatulog. Tulad ng iyong butihing may-bahay, tinatanong na nya ako ngayon kung kailan ako mag-aaasawa kasi
ring bearer ang kanyang sanggol na sa iyo ipinangalan.
Pangarap mo na bumalik sa bukid pagkatapos mag-aral ng iyong tatlong anak. Tanging ang bunso at lalaki mong anak si
K na lang ang nakatakdang magtapos ngayong Marso, ngunit hindi mo na ito masisilayan.
Sabi mo noon kay Mamang, gusto mo siyang maging kapitbahay sa bundok, at itinuro mo kung saan mo itatayo ang bahay na para sa inyo ni Auntie - sa tuktok, tanaw ang mga palayan sa ibaba. Baka ako na lang ang magpatayo ng bahay para kay Mamang balang araw - kapag tatanaw ako sa dakong itinuro mo ay maaalala kita at ang bahay na sana ay gagawin mo.
Nagalit ka noon sa isa nating itinuring na kamag-anak nang malaman mo na hindi niya tinupad ang pangako na ibalik ang perang hiniram mula sa kapatid ko. Ayaw mo kasing may nangloloko sa sinuman sa iyong kapamilya.
Kung kaya mong tumulong ay gagawin mo - ipinakita mo pa sa amin noon ang iyong
"pambot" (pumpboat) na makina na lang ang natira dahil ipinagbili mo nang ma-Cesarian si
M, ang iyong pangalawang anak.
Sabi mo, sa susunod naming bakasyon ay aarkila tayo ng pambot at pupunta tayo sa
Tuka Marine Sanctuary, ang dalampasigan na ipinagmamalaki ng Kiamba. Hindi ko akalain na ang susunod naming bakasyon ay upang ihatid ka sa iyong huling hantungan.
Hindi ko na muling matitikman ang kilawing tuna na lagi mong inihahain sa amin pag dumadalaw kami sa bahay ninyo sa bayan.
Hindi ko na maririnig ang mga sarkastiko mong komento sa mga artista at pulitiko na para sa iyo ay walang kwenta. Pareho kasi tayong "opinionated" sa ilang isyu, kaya naman gusto kitang nakakausap, kahit sandali lang.
Habang pinapakinggan ko ang mensahe ng iyong mga anak sa araw ng iyong libing, hindi ko maiwasang makadama ng inggit - inggit, dahil naranasan nilang mahalin ng isang amang gaya mo, na nagsakripisyo at umunawa sa mga bagay na gustong gawin ng iyong mga anak sa kanilang buhay. Hindi sila nawalay ng landas dahil taglay nila ang iyong gabay sa kanilang mga desisyon sa buhay.
Nakapanghihinayang, dahil hindi mo na makakarga ang iyong dalawang apo at masubaybayan ang kanilang paglaki.
Paalam, Uncle.
No makitam ni Lolo Noe kenni Uncle Pongpong, ibagam kanyada nga ayayatek isuda uray nga awanen isuda ken adayo isuda ditoy lubongen. Agkita tayon inton sumaruno a biag.
Bendisyonan kami ni Apo Diyos a kanayon. Addadtoyak para ti pamilya mo Uncle.